Thursday, October 11, 2007

Di Ko Alam





Ngayong umaga, isinulat ni Alisa ang kuwento ng dalawang penoy at ng kanyang mga magulang, ng aking mga biyenan. Pagkatapos magsulat, dumiretso na siya sa kama at humiga, tila may gustong takasan... maaaring iyung isinulat niya, o ang emosyong biglang lumitaw pagkatapos makapagsulat.

Siyempre, nag-alala ako. Patay na ang PC... parang tinakasan talaga. Binuksan ko ulit, at hinanap sa My Recent Documents ang isinulat niya. Doon ko naabutan ang mga tinakasan niya... doon ko nasalubong... sa My Recent Documents.

Nasalubong ko ang kwento ng dalawang penoy na binili niya ngayong umaga, at ang kwento ng mga multo ng mga penoy na ipinasalubong sa kanya noong bata pa siya, mga penoy na binili ng kanyang mga magulang para lamang sa kanya.

Sa bandang dulo ng sulat niya, naramdaman ko na alam na niya kung paano matatapos ang kwento niya. Doon pa lang, itinigil na niya, at tinakasan ang napipintong katapusan -- isa, o higit pang, balde ng mga luha.

Bumalik ako sa kama namin. Kailangan niya ng yakap. Kailangang makatulog siya, makatakas nang lubusan.

Hindi ko alam, Mahal, kung saan pumupunta ang mga masasayang alaala natin bilang mga bata. Hindi ko alam kung anong silbi nila -- ang palungkutin tayo, o iparamdam sa atin na ang buhay ay tunay na maiksi, na ang bawat pagkakataon ay dapat ninanamnam, dahil lilipas ang bawat pagkakataon, at hindi natin malalaman kung saan napupunta ang mga nasayang na pagkakataon.

Heto lang ang sigurado ko -- kapag napipinto ang pagbulwak ng luha, kapag gusto mong takasan ang pagmulto ng nakaraan, takbo ka lang sa kama natin at sasalubungin kita ng yakap.






2 comments:

rem said...

aaaaaaaaawwwww haw swet!

Anonymous said...

bah! at di man lang nag-iwan ng URL! oisht, remar!