Saturday, June 16, 2007

Umuunlad raw tayo

Wala kaming cable TV sa pension house. Dati meron. Siguro napansin nung may-ari na nanonood kami ng HBO at Cinemax sa sarili naming TV, kaya binunot iyung connection namin. O pwede ring wala na talagang cable TV connection ang buong pension house.

At dahil nga wala na kaming cable TV, tatlong channel na lang ang napapanood namin sa TV. Na-raid na rin kasi iyung paborito naming bilihan ng pirated DVD sa me Fuente OsmeƱa.

Nariyan ang kapusong GMA, ang kapamilyang ABS-CBN, at kasamang RPN (bakit? “kasama mo” kasi ang tagline nila).

Mas maaga ang newscast sa RPN, kaya sila ang inaabangan ko pagdating ko sa pension house. Isa pa, meron silang MTV show nang 9:30 pm, at wala silang nakaka-iritang VJ.

Iyun nga lang, dahil government-controlled station ang RPN, karamihan din sa mga advertisement nila ay pampulitika — mga commercial na kinakastigo ang oposisyon, sabay mananawagang magkaisa para sa kaunlaran.

Teka lang. Kung tutuusin, hindi naman kinakailangan ng pamahalaan na manawagan ng pagkakaisa para sa kaunlaran KUNG nararamdaman ng mga tao ang pag-unlad.

Ganun ba ang turing ng gobyerno sa atin — na ganun tayo at kailangan pang ipangalandakan sa atin na umuunlad tayo?

KUNG umuunlad nga tayo, hindi na natin kailangan ang mga commercial na iyan (na pinagkakagastusan natin bilang mga taxpayer). Hindi na kailangang ipagtanggol ng pamahalaan ang sarili laban sa oposisyon (E trabaho naman talaga nila ang kontrahin ang administrasyon, hindi ba? Tila hindi yata nag-PolSci 101 ang mga nasa pamahalaan… )

KUNG umuunlad nga tayo, walang sunud-sunod na bank robberies. Wala ring madugong bus robbery in broad daylight sa kahabaan ng EDSA. Mantakin mong panahon pa yata ni Nardong Putik ang holdapan sa bus, pero nangyayari ulit ngayon, at sa tanghaling tapat pa.

At huwag rin nating kalimutan ang contractor na nanghostage ng mga batang naka-enrol nang libre sa sarili niyang day care center.

At nariyan din ang Oakwood mutineer na nahalal na senador ng republika natin, sa kabila nang pagkaka-kulong niya sa isang military camp.

Meron ding mga commercial na testimonial ang dating — mga taong nakinabang sa mga programa ng pamahalaan. Nariyan ang nabigyan ng hanapbuhay, nariyan ang nabigyan ng bahay, nariyan ang napaunlad ang negosyo.

Aba! kung tutuusin, tungkulin ng pamahalaan na siguruhin na may mga trabaho ang mga mamamayan nito, na may maayos na programang pabahay, na naaalagaan nang sabay ang mga negosyante at manggagawa. Hindi ba sila nahihiyang ipagmalaki ang iilang nakinabang, samantalang ang karamihan ay umaasam na makapag-abroad para sa mas magandang kinabukasan?

Umuunlad tayo? Baka sila. Baka sila ang umuunlad.

2 comments:

Paeng said...

naalala ko tuloy yung isang post ko. sabi, 6.9% daw ang growth ng economy. bakit daw di naramdaman ng mahihirap? kasi 7% daw kailangan ang growth para maramdaman. leche. LOL

ronald said...

hindi ko nga maintindihan kung anong klaseng kaunlaran ang sinasabi nila. pinababayaan nila ang mga lokal na negosyante tapos walang habas ang pagbubuwis sa mga mamamayan. hay ewan.