Wednesday, August 29, 2007

Pag-asa




Isinilang ako nang medyo natanggap na ng lipunan ang Martial Law. Maaaring tinanggap na lang ito ng mga tao dahil sa pagod at kawalan ng pag-asa. Sabi nga ng kolumnistang si Michael Tan, mapagpatawad tayong mga Pilipino. Mapagpatawad o makakalimutin? Hindi ko alam. Ang nararamdaman ko lang ngayon ay kalungkutan habang pinapakinggan ko si Cesar habang inaawit ang kanyang Balita.

Kasagsagan ng digmaan ngayon sa Mindanao. Ang buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay ipinadala upang sagupain at tuluyang puksain ang isang pangkat ng mga bandidong lumalaban raw sa ngalan ni Allah. Ang mga pinakamagaling nating sundalo ay nakakulong dahil sa kanilang prinsipyo, habang ang mga pinakabata nating sundalo ay ipinapain sa mga beteranong kalaban. Ilang anak na rin ang hindi na nakasaglit sa kanilang mga ina, ilang ama rin ang hindi man lang nahalikan ang kanilang mga bagong silang na sanggol, dahil mula kampo militar ay dumerecho na sa kani-kanilang mga libingan sa Basilan.

Dinampot ng mga Olandes si Jose Ma. Sison, isa sa mga namuno laban sa Martial Law noong dekada setenta. Hindi pa rin nagagapi ng pamahalaan ang Bagong Hukbong Bayan, pero ngayo'y nagpipista sila sa tuwa sa pagkakaaresto ni Sison sa mga salang galing yata sa puwet ng kung sinong bobong pulis. Hindi pa rin natatagpuan ang katawan ni Jonas Burgos (umaasa pa ba kayong buhay siya?).

Ang taas ng buwis. Ang taas ng mga flyover na itinatayo sa Kamaynilaan. Ang dami ng mga sasakyang naglalakihan na iisa lang ang pasahero.

May darating bang Kristo o Buddha upang sagipin tayo sa ating sariling kumunoy?


No comments: