Thursday, January 04, 2007

From Pasig to Cebu, With Love

Nang umalis ako sa siyudad ng Pasig at lumipat sa siyudad ng Cebu, hindi ako nanghinayang. Naging pugad na nga mga adik ang lugar namin sa Pasig, at nagbu-bulag-bulagan ang mga opisyales ng barangay namin. Balita ko nga, pag me nahuling adik sa amin, kakausapin lang ni Kapitan ang pulis. Pagkatapos ng ilang oras, laya na naman ang adik. Langya…

 

Idagdag pa na sinimulan na ni alkalde ang dinastiya niya. Naka-ilang taon din siyang alkalde, tapos pumalit ang misis niya. Ngayon, siya ulit ang nakapuwesto. Naghahanda na rin ang anak niyang konsehal.

 

Ganun naman ang sistema sa halos lahat ng siyudad at bayan dito sa atin. Alkalde ang padre de familia hanggang sa maubos ang terminong pwede siyang manungkulan (tatlong termino, ayon sa Konstitusyon natin), tapos susunod ang madre de familia (isang termino lang kadalasan – panakip butas lang), tapos ang padre de familia na naman. Ang panganay na anak ay magsisimulang konsehal, o kung masyado pang bata, e SK (Sangguniang Kabataan) muna. Kapag mahina na ang padre de familia, pupuwesto na si panganay upang maging alkalde naman.

 

Ano bang meron sa ating mga Pilipino na binoboto natin ang mga magpamilya sa mga pamahalaan natin? Siguro, sa barangay ninyo, anak ni Kapitan ang nakaupong SK chairman.

 

Balik tayo sa Pasig. Madugo ang mga pangyayari nitong mga nakaraang araw dun. Noong gabi ng New Year, sa gitna ng mga putukan at pagdiriwang, isang barangay ang binisita ng apat na armadong lalaki at basta na lang nagpaputok. Isa agad ang patay, at siyam ang sugatan, ulat ng ABS-CBN. Sa may palengke naman, isang manininda ang hinabol at binaril sa ilalim ng sikat ng araw. Kamakailan lang e binomba ang palengke… hindi pa rin kilala ng mga pulis kung sino ang salaring nag-iwan ng bomba. Isama ko na rin ang pagkawasak ng sasakyan ng congressman dahil rin sa isang bomba.

 

Madugo rin dito sa Cebu dahil sa mga vigilante, pero dahil sa ASEAN Summit, tumahimik ang mga vigilante (naka-security detail yata, hehehehe). Langya naman ang mga vigilanteng yan, walang alam patayin kundi ang mga mahihirap, mga small-time na kriminal. Magnanakaw ba ang mahihirap dahil lang sa trip nila?

No comments: